Sa Magkabilang Mundo

Sa mga panahong iyo ang araw at akin ang buwan
Hindi man magtagpo ang tingin sa kalangitan
At maging karagatan man ang ating pagitan
Pag-ibig natin ang kasa-kasama sa puso ko’t isipan.

Sa aking pagtulog ang iyong paggising
Ngunit sa panaginip kasama kitang nahihimbing.
Pansamantalang nayayakap, nahahagkan, naaangkin,
Dala’y ngiti sa pagsulyap ng liwanag sa’king paningin.

Ang ngayon mo ay aking hinaharap,
At ang aking kasalukuyan ay iyo nang nakalipas
Huwag mag-alala, maniwala na sa isang iglap
Magtatagpo rin ang ating mga bukas.

Mahal kita.

Leave a comment