Malapit na naman ang araw ng mga puso na kung saan ang karamihan ng tao ay nahahati sa dalawang grupo, ang mga excited at ang mga walang pakialam. Ang mga masaya at mga bitter. Mahahalata mo naman kung sinu-sino sila. Nagkalat sila sa facebook at iba pang social sites. Para sa kanila mayroon daw dalawang uri ng kalendaryo, yung may February 14 at ang isa wala.
Pero sinulat ko ito hindi para lalong magalak ang mga may kasintahan o kaya naman ay lalong sumimangot ang mga walang kayakap ngayong buwan ng ng feb-ibig. Ito ay tungkol sa aking karanasan noong minsang pumayag akong makipag “blind date” dahil sa inggit na inggit ako sa aking mga kaibigang may makakasama, makaka holding hands at makakatitigan habang nauupos ang isang kandila sa gitna ng mesa sa isang magarang restawran, na tinatawag nilang “candlelight dinner”.
Ito ang mga pangyayari, 3rd year high school ako noon.
February 11
“Hoy Kim”, tawag sakin ng isa kong kaibigan na meron pang kasabay na malakas na tapik sa likuran ko.
Oh ano? Sagot ko naman.
May date ka na ba sa valentines day? Tanong niya.
Wala pre, bakit? Tanong ko sa kanya.
Biglang galak ang kaibigan ko sabay balita sa’kin, “tamang-tama, yung pinsang babae ng girlpren ko kaka-break lang daw sa boypren nya at naghahanap ng ka-date. Ano gusto mo?”
Hindi ako nagpahalatang medyo natuwa, medyo may pagka-pakipot at pihikan kasi ako.
“Mahirap yan, baka puro kadramahan ng break-up nila ang pag-usapan namin nyan.” Sabi ko sa kanya. “Teka, nakita mo na ba pinsan niya?” Hirit ko.
“Hindi pa pare, parang ang gusto niya raw ay blind date”, sagot niya.
“Ayan ka na naman eh. Noong 2nd year tayo, ipinain mo ako sa blind date, tapos huli na nang malaman ko ang itsura pala (censored), kayo lang nag-enjoy at ako nangalay panga ko sa kakangiting plastik”, sumbat ko.
“Hindi pare, maganda to sabi ng girlpren ko. Seryoso to, di ka magsisisi”, dagdag na panghikayat ng kaibigan ko.
“Eh, pano kung pangit, ikaw ang magbabayad ng kakainin namin at bayaran mo ako sa iba ko pang gastos, ganun?” Tanong ko sa kanya.
“Ganito na lang pare, kung sakaling di mo magustuhan ang itsura, sabihin mo na lang sa kanya na di mo inaasahan biglang sumakit ang ulo mo at di mo kaya. Re-set niyo na lang ang date kunwari.”
At dahil nga sa wala naman akong gagawin sa valentines day at lalong-lalong ayaw kong tuksuhin ng mga kaibigan ko, pumayag na rin ako sa ganung sistema. Ang motto ko, “kung pangit, bigla akong magkakasakit.”
Hiningi ko sa kaibigan ko ang pangalan, address at landline number ng babae. Lea daw ang pangalan, estudyante sa isang paaralan na para lang sa mga babae.
February 12
Pagkatapos naming kumain ng hapunan, tinawagan ko ang landline number na binigay sa akin ng kaibigan ko. Nakausap ko nga si Lea. Sabi ng karamihan, pag maganda daw ang boses sa telepono ay pangit ang itsura sa personal at kapag pangit ang boses, maganda naman daw. Turn-off agad ako kasi pangit yung boses, parang pang matanda na. Pero ano magagawa ko, napasubo na ako kaya bahala na sabi ko sa’king sarili. Uupakan ko na lang yung kaibigan ko kung sakali.
Halos isang oras din kaming nag-usap ni Lea ng gabing yun. Parang getting-to-know-each-other ang peg ba, para naman sa date namin may mga ideya na ako kung ano ang mga sisimulan kong topic. Naging ok naman ang usapan namin, at noong gabi ring iyon ay nag-set na kami ng blind date namin. Alas-siete ng gabi, susunduin ko siya sa kanila at bahala na raw ako sa place kung saan kami magdi-date.
February 13
Sinadya kong hindi siya tawagan at baka sakaling magbago pa ang isip ng isa sa amin.
February 14
Tanghali, alam kong nasa bahay siya para mananghalian, tinawagan ko Lea para kumpirmahin kung tuloy ang blind date namin. Oo daw at excited na daw siya. Pakiwari ko, siya excited, ako kinakabahan dahil iniisip ko pa kung maganda ba siya o hindi kaaya-aya ang itsura. Aarte talaga akong may sakit pag nagkataon.
6:30 ng gabi, nakabihis na ako. Asul na long-sleeves at kulay cream na slacks. Uso noon ang ganung porma pero nakatupi lang ang sleeves hanggang siko. Isang huling sulyap sa salamin, sabay spray ng paborito kong pabango at isang kindat sa sarili, solve na ako at pumunta na sa kanila para sunduin siya.
Eksakto, alas-siete ng gabi nasa harapan ako ng bahay nila. Madali lang naman mahanap kasi corner lot ng isang street sa kanilang subdivision. Walang bakod ang bahay kaya diretso ako sa harapan ng pinto. Isang napakalalim na buntong-hininga at nanginginig ang kamay kong pinindot ang doorbell.
Ding-dong! Ding-dong! (Hindi ko na tanda kung ganyan ba talaga tunog nun.)
Bumukas ang pinto. Letse! Isang pangit na babae ang tumambad sa’kin.
Buti na lang may biglang sumigaw galing sa 2nd floor ng bahay.
“Yaya Susan, si Kim na po ba yan?” Dinig kong sigaw ng babae.
Anak ng teteng, may yaya pa. Spoiled ata tong babaeng to, sabi ko sa sarili ko.
“Hmmm… pakisabi oo, si Kim ako,” pakiusap ko sa bumukas ng pinto.
Grabe, muntik na ako dun ah. Akala ko si Lea na siya. Mapapahiya sana ako kung hindi ko napigilan sarili ko.
Pinapasok ako ng yaya nya at pina-upo sa sala, at sinagot niya si Lea. “Opo, siya raw po. Pinapasok ko na.”
“Sige, pakisabi pababa na ako.”
Sa harapan ng kinauupoan ko ay isang magandang winding stairs na gawa sa kahoy. Ang ganda naman ng bahay na to, sana kasinganda nito si Lea, biro ko sa sarili ko. Pampaalis ng kaba, kasi damang-dama ko na nanginginig ang tuhod ko. Kung sakaling pangit siya, lalakasan ko talaga ang dibdib kong sasabihin sa kanya na biglaang sumakit ang ulo ko at pakunwaring re-set na lang namin ang date.
Ilang sandali pa, nakarinig na ako ng yapak sa itaas. Pababa na siya. Nakatutok ang mga mata ko sa hagdan. Una kong nakita ang sapatos niyang kulay pula. Tapos ang legs niyang kayputi na lalong kuminis tingnan dahil sa tama ng ilaw ng chandelier sa ibabaw ng hagdan. Shit, sabi ko sa sarili ko. Jackpot ata ako.
Paunit unti-unti lumiliwanag ang langit sa paningin ko. Naka mini-skirt siya (above the knee), at dahil natulala na akong napatingin sa napakaganda at mala-anghel na mukha, hindi ko na namalayan na nasa harapan ko na siya.
Wow! Swerte ko, masayang bulong ko sa aking isipan.
Nagsalita siya na sa pandinig ko ay boses ng mga anghel na nag-aawitan.
“Are you Kim?” Tanong niya.
“Yes I am.” Taas noong sagot ko sa kanya, sabay ngiti. 😀
Yayayain ko na sana siya pero naunahan niya akong magsalita.
“Hmmm. Kim, pwede bang re-set na lang natin ang date? Bigla kasing sumakit ang ulo ko, inaatake ata ako ng migraine.
Isang matinding katahimikan ang bumalot sa loob ng bahay kahit alam kong nagpapaliwanag pa siya. Napatango na lang ako at nagpaalam.
Bukas, uupakan ko ang kaibigan ko. Bibigyan ko siya ng “candle lightning” na batok.
.
.
.
.
.
Paumanhin: Ang kwento pong ito ay hindi hango sa tunay na pangyayari. Ito ay hango sa isang kwento na ginagamit ng ilang speakers para temang pag-ibig. Ikinikwento ito gamit ang “unang katauhan” o first person ng gramatika upang maging mas epektibo. Salamat po sa inyong pagbabasa.
Alalahanin natin na ang araw ng mga puso ay hindi lang para sa magkakasintahan o mag-asawa. Ito ay para sa ating lahat na marunong magmahal at minamahal ng mga taong mahalaga sa ating buhay. Happy Valentines sa inyong lahat. Mwahhhh! :*
(Kung sakaling nagustuhan o naaliw kayo sa post na ito, ang simpleng pag-share nito sa inyong mga social sites ay labis kong ikagagalak. Salamat po.)
_____________
Ang mga litratong ginamit ay hango sa mga sumusunod na kaugnay na artikulo:
http://www.pardaphash.com/news/blind-date-does-not-mean-tom-hardy-sitting-opposite-you/718137.html
http://1cita.com/dating_tips/DS_secrets_blind_date
http://www.ask-kimberly.com/2012/04/learning-to-survive-big-bad-blind-date.html